HomeCommentaryTagahugas-paa

Tagahugas-paa

Para sa atin na mga alagad ni Kristo, ang pamumuno ay dapat gawin sa diwa ng pagiging alipin, pagiging lingkod

Kapag nagkatipon tayo sa mesa para kumain sa umaga, ang tawag natin dito ay ALMUSAL. Kapag sa tanghali naman, ang tawag natin dito ay TANGHALIAN. At sa hapon o gabi ang tawag natin ay HAPUNAN.

Bakit kaya ang Misa, kahit anong oras idaos ito, kahit umaga o tanghali, lagi siyang “hapunan”? Sagot — dahil ito ay paggunita sa “huling hapunan” na pinagsaluhan ng mga alagad noong Huwebes nang gabi kasama si Hesus.

Ayon sa kuwento ni San Juan, alam naman ni Hesus na wanted na siya sa Jerusalem. May presyo pa nga ang ulo niya, tatlumpung pirasong pilak na gantimpala sa sinumang magturo sa kanya. At alam naman natin kung sino ang natukso sa perang iyon. Nakasalo pa niya sa huling hapunan. Alam daw ni Hesus ang naghihintay sa kanya sa Jerusalem, kaya nga pilit siyang kinukumbinsi ni Simon Pedro na huwag nang tumuloy.



Pero bakit tumuloy pa rin sila? Ang sagot ni San Juan nasa chapter 11. Dahil kay Lazaro. Di ba’t paulit-ulit daw siyang binalitaan nina Martha at Maria mula sa Betania na malubha ang sakit ng kapatid nilang si Lazaro at kung pwede ay i-prayover siya para gumaling?

Sa kasamaang palad, patay na siya nang dumating sila sa Judea, sa may bayan ng Betania, na malapit lang sa Jerusalem. Kaya masama ang loob sa kanya ng magkapatid, ni ayaw daw lumabas ni Maria noong una para salubungin siya. At nang napilit siya ni Martha na lumabas, ang isinalubong sa kanya ay isang masakit na sumbat — “Kung narito ka lang, hindi sana namatay ang kapatid namin.”

KUNG NARITO KA LANG. Ibig sabihin, wala ka. Nasaan ka nang kailangan ka namin? (Umiyak sila, at naiyak din si Hesus. Hindi kaagad umimik.)

Pag binabasa ko ang parteng iyon, alam niyo, ako ang sumasama ang loob. Kung naroon lang siguro ako, baka nasagot ko sila, baka nasabi ko, “Grabe naman kayo kung manumbat. Alam nyo bang wanted na si Hesus sa Jerusalem? Alam nyo bang binabalaan siyang patayin ng mga awtoridad kapag pumasok siya sa Judea? Pero sa kabila noon, kahit pinipigilan namin, nagpatuloy pa rin siya para damayan kayo. Tapos ganito pa ang isasalubong nyo sa kanya?”

- Newsletter -

Siyempre wala iyon sa ebanghelyo. Ako lang iyon. Pasensya na, tao lang po. Alam nyo naman ang tunay na kasunod ng kuwento — binuhay niyang muli si Lazaro. Pero ang naging kapalit ng buhay ng kaibigan ay kamatayan niya.

Kaya pala hindi normal ang dating ng hapunan na iyon. Napaka-tensiyonado. Walang ipinagkaiba sa hapunan na ginugunita nila.

Nasabi ko na sa inyo minsan na ang huling hapunan ng Bagong Tipan ay paggunita sa huling hapunan ng Lumang Tipan. Teka, meron din bang “last supper” sa Old Testament? Meron. Nasa book of Exodus. Naroon ang kuwento ng “last supper” ng mga Israelita bago sila tumakas upang lumaya sa kanilang pagkaalipin sa Ehipto. Ang tawag nila sa huling hapunan na iyon ay PASSOVER O PASKUWA.

Tensionado rin ang gabing iyon dahil sa sandaling iyon dadaan ang anghel ng kamatayan para patayin ang lahat ng mga panganay, maliban sa makitaan ng dugo ng kordero na nakapinta sa may pintuan. Ito ang last supper na inuulit-ulit ng mga Hudyo taon-taon para ipagdiwang ang kanilang kalayaan. Iyon ang narinig natin sa ating first reading. Mahalaga kasi para sa mga Hudyo ang pagsasariwa ng kasaysayan upang hindi sila maligaw ng landas bilang isang bayan. Di ba may kasabihan, “Kapag nilimot natin ang kasaysayan, uulitin natin ito.” (Iyan ang mangyayari kapag nawala na sa alaala natin ang “GOMBURZA” at napalitan na ito ng MAJOHA.)

Ayon sa tradisyon ng mga Hudyo, bahagi ng paggunita ng kanilang huling hapunan ng Paskwa ay ang ritwal ng paghuhugas paa. Simbolo daw ito para sa kanila ng paghahanda para sa bagong landas na tatahakin ng kanilang mga paa palayo mula sa pagkaalipin, patungo sa isang buhay na malaya sa lupang pangako.

Sana tayo rin ay magkaroon ng ganyang tradisyon ng pagsasariwa ng kasaysayan. Tandang-tanda ko pa noong lumaya ang bansa natin sa mahaba at madilim na panahon ng pagkawala ng demokrasya. Kapag kinalimutan natin ang kasaysayan, baka ang maging direksyon ng ating mga paa ay patungo sa bangin ng pagkapariwara.

Para sa mga Hudyo, ang pinakamaduming bahagi ng katawan nila ay ang paa, dahil tumutungtong ang mga ito sa lupa, tumatapak sa alikabok, putik at sari-saring dumi. Hindi pa sila nagsasapatos noon. Sandalyas lang ang isinusuot kaya talagang manlilimahid ang mga paa kapag naglakbay sila.

Alam nyo ba na, kung sa ating mga Pilipino ang simbolo ng suwerte ay palad, sa mga Hudyo hindi palad kundi talampakan? Kasi daw, ang direksyon na pipiliing tahakin ng ating mga paa ay pwedeng MAGPALAYA, at pwede ring MAGPAALIPIN sa atin.

Minsan, ang kalsada ng buhay ay para bang nagsasangandaan. Katulad nitong nalalapit na eleksyon. Aling landas ang ating susundin sa ating pagboto? Saan tayo mapapabuti? Saan tayo mapapahamak?

Pag dinala tayo ng ating mga paa sa maling direksyon, ang magdurusa ay mga anak at apo ninyo. Maawa kayo sa kanila. Kaya pala isinasaritwal ng mga Hudyo ang paghuhugas-paa bago kainin ang hapunan ng Paskwa. Inihahanda ang sarili patungo sa isang bagong direksyon sa buhay, mula sa kadiliman tungo sa liwanag, mula sa pagkaalipin tungo sa paglaya.

Kaya pala sa aklat ni Isaias, sinasabi ng propeta: Isaias 52:7 “O napakagandang pagmasdan ang mga paa ng mga sugong dumadaan sa mga kabundukan na nagdadala ng mabuting balita ng kapayapaan at kabutihan sa Jerusalem…”

Kaya rin pala sa awit ni Zacarias sinabi niya, “In the tender compassion of our God, the dawn from on high shall break upon us, to shine on those who dwell in darkness…and TO GUIDE OUR FEET into the way of peace.” (Lk 1:78-79)

May pangalawang kahulugan pa ang paghuhugas paa para sa ating mga Kristiyano. Ito naman ay patungkol, hindi sa hinuhugasan, kundi sa naghuhugas. Sa tradisyon ng mga Hudyo, isa raw sa mga tanda ng hospitality ng maybahay sa mga bisitang kasamang kakain ng hapunan ng Paskwa ang bigyan sila ng tig-iisang balde ng tubig para hugasan nila ang sariling mga paa nila.

Kung medyo mas galante ang maybahay, kukuha daw ito ng isang alipin, at uutusan ito na hugasan ang mga paa ng mga bisita. Pero hinding hindi mangyayari na ang host ang siya mismong maghuhugas ng kanilang mga paa dahil ito daw ay gawain ng alipin, nagpapababa ng pagkatao. Ito ang pinaka-radikal na kaibahan ng kahulugan ng paghuhugas-paa para sa ating Kristiyano.

Ginugunita natin na ang gumawa nito ay si Hesus mismo na kinilala natin bilang Panginoon at Anak ng Diyos.

Kaya pala abot-abot ang pagtutol ni Pedro nang siya na ang huhugasan. Ang reaksyon niya ay, “Lord, huwag mo namang masyadong ibaba ang pagkatao mo, dahil napakataas ng pagtingin namin sa iyo.“ (Pero sa totoo lang, palagay ko, ibig din niyang sabihin na siya mismo hinding-hindi niya magagawa ito.)

Kaya si Hesus na mismo ang nagpaliwanag bakit niya ito ginagawa: upang bigyan sila ng aral at halimbawa. Ang sabi niya, “Guro at Panginoon ang tawag ninyo sa akin. Kaya hinuhugasan ko ang inyong mga paa upang bigyan kayo ng halimbawang inyong dapat tularan, upang kung paano ko ito ginawa sa inyo ay gagawin nyo rin sa isa’t isa.”

Sinabi na rin ito ng Panginoon noong natalos niyang nag-aaway-away na ang kanyang mga alagad dahil sa pulitika. Pinagtatalunan nila kung sino daw ba sa kanila ang dapat mapuwesto sa kaliwa at kanan niya. Ang isinagot niya ay ganito, “Ganyan sa daigdig, lalo na sa mga lider ng mga Hentil — nag-aasta silang Panginoon, naghahari-harian.”

Delikado talaga ang malagay sa mga puwesto ng kapangyarihan. Pwedeng malasing ang tao, o mahibang. Sila ang mga tipong napaglalaruan ni Satanas, nagiging bagong klase ng alipin. Nahuhumaling, nagugumon sa kapangyarihan.

Ano ang gamot dito? Paghuhugas ng paa. Pagganap sa papel ng alipin. Pagpapakumbaba. Para sa atin na mga alagad ni Kristo, ang pamumuno ay dapat gawin sa diwa ng pagiging alipin, pagiging lingkod. Dahil ang Panginoon mismo ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod.

Kaya pala napakahalagang itanong sa darating na Mayo sa pagpili natin ng tamang pinuno para sa bayan natin. Sino sa pagpipilian ang magiging tipong bosing, at sino ang magiging tipong katulong, hindi mahihiyang maghugas ng paa?

Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan sa Misa ng Huling Hapunan, 14 Abril 2022, Jn 13:1-15

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest