Mahigit sa 400 pamilya na dating naninirahan sa palibot ng Bulkang Taal ang natulungan ng Arkidiyosesis ng Lipa na magkaroon ng bagong tahanan.
Ito ang ibinahagi ni Father Jayson Siapco, tagapamuno ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission, o LASAC, matapos na muling magligalig ang Bulkang Taal at magsilikas ang ilan sa mga residente.
Ayon kay Father Siapco, marami pa ring pamilya ang nanumbalik sa paninirahan sa “permanent danger zone.”
Aniya, sinisikap ng arkdiyosesis na makatulong sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga bagong bahay para malayo sa peligro ang mga pamilya.
“Meron kaming program na integrity of communities,” sabi ng pari, kasama na dito ang pabahay na aniya ay “pinakamahalaga … ang pinaka importante.”
Sa panayam ng Radyo Veritas, sinabi ni Father Siapco na nakipagtulungan ang Arkidiyosesis ng Lipa sa mga residente na makapagtayo ng kanilang mga bagong tirahan sa kondisyon na ang lupang pagtatayuan ay nabili na ng napiling residente o kaya naman ay pag-aari ng kanilang kaanak.
Inihayag ng pari na ang pondo na ginagamit ng arkidiyosesis sa nasabing proyekto ay mula sa mga donasyon ng iba’t-ibang indibidwal.
Sa kasalukuyan ay nasa 1,400 na pamilya ang nagsilikas dahil sa muling pagliligalig ng Bulkang Taal.
Magugunitang taong 2020 nang umabot sa 26,000 pamilya ang naapektuhan ng “phreatic explosion” ng Bulkang Taal kung saan higit sa 373 evacuation centers ang binuksan para sa mga nagsilikas.