HomeCommentaryIkaw, ako, tayo, magkakapatid

Ikaw, ako, tayo, magkakapatid

Hindi lang sa hindi nakakalimot ang Diyos. Hindi lang sa tutuparin niya ang pangako niya kay Haring David.

May tip ako sa inyo kung gusto ninyong makagawa ng “family tree” na katulad ng binasa natin sa ebanghelyo ni San Mateo ngayon.

Twenty years ago pa yata noong una kong natuklasan ang isang software sa internet para sa paggawa ng “family tree.” Siyempre in-upgrade nang in-upgrade ito at naging isang digital app na ngayon.

Tulad ng maraming apps, sa una libre lang ito, pero sa katagalan, pag gusto mong i-expand ang kapasidad, siyempre magbabayad ka na. Mura lang naman at sulit. Hindi ko na babanggitin ang pangalan ng app, baka akala inaadvertise ko. I-Google search na lang ninyo ang salitang “genealogy” o “family tree.” Siguradong makikita ninyo kaagad. Ano ba ang silbi nito? Marami.




Kapag may nakikikamag-anak sa iyo, halimbawa, isang taong ngayon mo pa lang nakilala sa isang burol sa patay, at sinabing anak siya ni Lolo ganito at Lola ganoon na pinsan daw ng lolo mo, click mo lang yung app sa cellphone mo at buksan ang family tree. Search mo kung may kamag-anak ka ngang ganoon ang pangalan.

Siyempre, bago mo magawa yun, i-build up mo muna yung family tree. I-enter mo lahat ng kayang ilista hangga’t buhay pa ang mga lolo’t lola at hindi pa ulyanin, mga tito at tita, mga pinsan, bayaw, hipag, pamangkin, mga asawa nila, mga anak at mga apo nila, mga address, cellphone number at email address. Hindi mo naman kailangan gawin lahat. Pwedeng tumulong ang lahat ng mga kamag-anak sa pagkumpleto ng mga detalye by email.

Tatanggap kasi ang lahat ng miyembro ng pamilya ng regular notifications by email na magpapaalala sa inyo ng mga birthdays, mga anibersaryo sa kasal o kamatayan ng lahat ng mga pangalan na nasa “family tree.” Pwede mo tuloy batiin yung mga buhay at ipamisa o ipagdasal ang mga patay. At sa ganoon, mas tumitibay ang relasyon ninyo sa pamilya, hindi lang sa immediate family kundi sa buong angkan.

Sa mga sinaunang sibilisasyon daw, isa sa mga pinakamabisang paraan ng pag-iwas sa gera ay kapag natuklasan ng isang panig na may kamag-anak pala sila sa kabilang panig. Ang prinsipyo ay, bakit tayo mag-aaway e hindi naman tayo iba sa isa’t isa?

- Newsletter -

May tatlong bahagi ang narinig nating family tree sa ebanghelyo. May key personality sa bawat bahagi: si Abraham sa first part, si Haring David sa second part, at si HesuKristo sa third part.

Kaya kay San Mateo, sa opening verse narinig natin: “Ito ang talaan ng lahi ni Hesus, na ‘Anak ni Abraham’ at ‘Anak ni David.’ Sa version ni San Lukas ng family tree na ito, humahantong pa kay Adan ang listahan ng mga ninuno at natatapos sa isa pang title: “Anak ng Diyos.”

Ang punto ni San Mateo ay simple lang: pinangakuan ng Diyos si Abraham na siya’y magiging ninuno ng maraming mga bansa. Magsisimula ito sa isang pamilya, na pagmumulan naman ni Haring David at ng isang buong angkan ng mga hari. Pero sa kasamaang palad, bumagsak ang kaharian ng angkan ni David nang sakupin sila ng Babylonia at naging simula ito ng pagkalat sa buong mundo ng kanyang angkan.

Noong bata pa ako may isang kanta na pinauso ng mga Cursillista, kung di ako nagkakamali.

“Father Abraham had many children, many children had Father Abraham.
I am one of them, and you are one of them, so let’s all praise the Lord.”

Sa high school ko na nalaman na hindi pala totoong maraming anak si Abraham ayon sa Bible. Totoong pinangakuan daw siya ng Diyos na magiging “Ama siya ng maraming bansa.” Uulit pa itong pangakong ito kay Isaac at Jacob. Pero may problema, silang tatlo ay mag-aasawa ng mga babaeng matutulasan nilang baog.

Sa una lang naman iyon, pero sa kalaunan magkakaanak pa rin sila. Nagkaanak ng isa si Sarah: at ito si Isaac. Nagsilang ng dalawa si Rebekah: sina Jacob at Esau, at nagsilang din si Rachel ng dalawa: sina Joseph at Benjamin.

Ang punto—ang Diyos ay tapat, tumutupad sa kanyang pangako. Si Haring David naman ay pinangakuan din ng Diyos. Di ba noong maging hari siya, balak sana niyang ipagtayo ng bahay o templo ang Diyos? At ang sagot ng propeta Nathan: Hindi ikaw kundi ang Diyos ang magtatayo ng bahay para sa iyo. (2 Sam 7:16) Ang tinutukoy niya ay isang buong angkan ng mga hari na galing sa lahi ni David ang maghahari sa Jerusalem. Hinula pa nga, hindi daw mapuputol ang angkan na ito magpasawalang-hanggan!

Kaya nang bumagsak ang kaharian ni David at naging mga bihag sa Babylonia ang kanyang mga kalahi, akala nila nakalimutan na ng Diyos ang pangako niya.

Ngayon, sa ating ebanghelyo, ipinahahayag ni San Mateo, hindi lang sa hindi nakakalimot ang Diyos. Hindi lang sa tutuparin niya ang pangako niya kay Haring David, hindi lang sa itatayo niyang muli ang nawasak na kaharian.

Sa pamamagitan ni Hesukristo na lahi ni David bubuo ang Diyos ng isang bagong angkan, hindi lang pamilya ni Abraham, hindi lang Bayan ng Israel, hindi lang lahi ni David. Ang isisilang na Anak ni David ay Anak ng Diyos! Ang misyon niya ay ang pagkaisahin ang lahat ng tao sa buong daigdig bilang mga kapamilya ng Diyos. Isang bagong Kaharian ang itatatag niya: Paghahari ng Diyos, na mabubuksan sa buong sangkatauhan.

Parang ganito ang message ng isang kantang pinasikat ng grupong Pinoy na tinawag na NEW MINSTRELS:

“Pag-ibig at pag-asa ang damdaming gigising sa taong nahimbing. Ang tunay na ligaya sa ating mga puso’y muling magniningning.” At ang refrain, “Ikaw at ako, hindi man magkalahi ay dapat matutong magmahal, isipin mong tayong lahat ay magkakapatid!”

Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David Para sa Ikalawang Araw ng Simbang Gabi, 17 Disyembre 2021, Mateo 1:1-17

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest