HomeCommentaryKatoto at patotoo sa katotohanan

Katoto at patotoo sa katotohanan

May kutob ako na noong nawala sa templo si Hesus, humiwalay siya talaga at meron siyang “partner in crime,” si John the Baptist

Napansin ba ninyo kung ilang beses inulit ang isang salita sa binasa nating ebanghelyo, sa loob lamang ng tatlong pangungusap?

Ang tinutukoy ko ay ang salitang TOTOO. Pitong beses inulit. At ang galing talaga ng Tagalog, ang daming pwedeng gawin na mga salita sa ugat na salitang TOTOO.

Dugtungan mo sa unahan ng PA-, may bago ka nang salita: PATOTOO, ibig sabihin, saksi. Unlapi ang tawag pag dinugtungan ang salita sa unahan. Dagdagan mo ng unlaping KA, lilikha na naman ng isang bagong salita: KATOTO, na ibig sabihin ay kaibigan. Dugtungan mo ito sa dulo ng -HANAN, hulapi ang tawag dito; may ibang salita ka na naman: TOTOHANAN, ibig sabihin hindi-peke, hindi-nagkukunwari. Dagdagan mo pa ang TOTOHANAN ng prefix o unlaping PA at may bago ka na namang salita, PATOTOHANAN, ibig sabihin, patunayan o patibayan.




Pasensya na po at napakaaga nag-aral tuloy tayo ng Tagalog Grammar. KATOTOHANAN kasi ang tema ng ating mga pagbasa. Ito daw kasi ang misyon ni Juan Bautista. Sa ibang pagbasa, tinawag siyang “abay ng Mesiyas,” na sa Tagalog ay pwedeng tawaging “KATOTO.” Totoo naman kasing magkaibigan ang magpinsan na ito. Di ba, ayon kay San Lukas, tatlong buwan lang ang agwat sa edad nilang dalawa? Sabi rin ni San Lukas, taon-taon daw dumadayo sa Judea ang Sagrada Pamilya kapag Pista ng Paskwa. Saan pa sila makikitira sa Judea kundi sa bahay ng mag-asawang Zacarias at Elisabeth? Kaya may mga paintings nina Hesus at Juan Bautista noong mga bata pa sila na naglalaro.

May kutob ako na noong nawala sa templo si Hesus, hindi totoong nawala siya. Humiwalay siya talaga at bumalik sa Jerusalem. At meron siyang “partner in crime,” si John the Baptist. Tatlong araw daw bago natagpuan si Hesus. Saan siya natagpuan? Sa templo. Kasama ang mga guro, ibig sabihin nasa school sila. Di ba opisyal ng templo si Zacarias na tatay ni Juan? Naroon si Juan, nagtatago nang i-confront ni Mama Mary si Hesus.

Hindi talaga malayong lumaking best friends ang magpinsan na ito. Palagay ko parang “role model” ni Jesus ang kuya Juan niya. Kaya marami siyang alam tungkol sa mga Banal na Kasulatan. Hindi nyo ba napapansin, sa mga kuwento sa mga ebanghelyo, ang husay magpaliwanag ni Hesus ng mga Kasulatan. Para sa akin, ang susi ay si Juan.

Napaka-popular ni Juan sa mga tao. Akala nga ng iba siya na ang Mesiyas na hinihintay nila. Pero alam ni Juan kung sino siya at kung ano ang layunin niya. Hindi siya nagkunwari. Inulit-ulit niya sa mga tao na saksi lang siya. Wala siyang ibang misyon kundi ang gabayan at turuan ang mga mamamayan tungkol sa katotohanan. Ang gawain niya, bilang “katoto” o kaibigan ni Hesus ay ang “magpatotoo.” Sapat na sa kanya ang gabayan ang mga tao patungo kay Hesus, ang “Daan, ang Katotohanan at Buhay.”

- Newsletter -

May isang kuwento tungkol sa isang Amerikanong Pastor na nakasaksi sa pagkawasak ng tulay dahil sa malakas na buhos ng ulan na nagpalakas sa agos ng tubig sa ilog na nasa mismong tabi ng kanyang simbahan, hanggang sa ma-erode ang tulay at bumagsak. Alam ng pastor na delikado ang buhay ng mga motorista na dumadaan sa kalsada sa tapat ng simbahan niya. Kaya kumuha siya ng kartolina at sinulatan niya ng babala. Ganito ang isinulat niya, “WARNING, DEAD-END, MAKE A U-TURN.”

An image of St John the Baptist is brought out in the streets of San Juan in the Philippine capital during the saint’s feast day on June 24. (Photo by Jire Carreon)

Nagkataon dumaan ang kotse ng isang parokyano niya, kasama sa sasakyan ang misis nito. Nabasa nila agad ang mensahe. Sabi ng mister. “Ang galing talagang umisip ng gimmick ng Pastor na ito, meron pa siyang “WARNING, DEAD-END, MAKE A U-TURN!” Ang husay gumawa ng message para lang ma-convert at mapapasok sa simbahan ang mga parokyano niya. Nag-thumbs up pa sila kay Pastor habang dumadaan. Si Pastor naman ay lundag nang lundag, sumisigaw at pilit iwinawagayway ang warning niya. E dinedma ng parokyano, dumire-diretso ang sasakyan nila at biglang pag-akyat sa approach, ang tumambad sa kanila ay bangin! At nahulog sila sa ilog.

Parang ang papel ng pastor sa kuwento ay papel ng propetang si Juan Bautista. Tagapagpaalala. Isang palatandaan. Tumatawag ng pansin hindi sa sarili kundi sa katotohanan. Ngunit hindi siya pinakinggan ng marami, akala nila sira-ulo siya. Nilinaw niya na hindi siya ang Tagapagligtas kundi isang tanda lamang na tumuturo kay Kristo. Ito ang problema, kapag hindi na marunong bumasa at umunawa ng mga palatandaan ang mga tao. Maliligaw sila o mapapariwara.

Kaya nga ang mga drivers, kailangan dumaan muna sa drivers’ lesson bago bibigyan ng lisensya, di ba? Delikado sa kalsada ang mga driver na hindi alam ang kahulugan ng mga road signs tulad ng one way, give way, full stop, pedestrian crossing (na ang basa ng iba ay Ped Xing), slippery when wet, no overtaking, etc.?

Ganyan din sa buhay natin sa lipunan. Siguro kaya sa Pilipino ang tawag natin sa mga taong may-edad ay MATATANDA o NAKATATANDA. Ewan kung bakit iniuugnay natin sa mga may-edad ang pagiging malilimutin o ulyanin. E kabaligtaran ng paglimot ang salitang matanda—ibig sabihin matandain; habang nagkakaedad, lalong nagtatanda. Sa totoo lang, ang mga bata ang mas madaling makalimot, dahil kulang na kulang pa sila sa karanasan.

Sa ating kultura, kaya mahalagang makinig ang mga bata sa nakatatanda ay dahil mas marami nang karanasan na pinagdaanan ang mga ito. Ang pagtanda ay kabaligtaran ng pagkalimot. Mawawalan ng direksyon ang mga kabataan kapag hindi na sila nakikinig sa nakakatanda. Obligasyon ng mga nakatatanda na gabayan ang mga bata at kabataan.

Paano mangyayari iyon kung hindi na sila nag-uusap? Kung hindi na nagkukuwento ang nakatatanda sa mga bata dahil masyadong busy? Kung wala na silang ibang mapagkuhanan ng impormasyon kundi ang social media: Tiktok, Istagram, Twitter, Whatsapp? Kung lahat ng tinatawag na kaibigan ay virtual friends lang pala na ni hindi alam ng marami kung totoo bang tao o isa lang sa libong fake accounts ng mga trolls na nagkakalat ng fake news?

Sabi ni Hesus, KATOTOHANAN LAMANG ANG MAGPAPALAYA SA ATIN. Kaya tayo lumalapit sa Diyos upang gabayan tayo sa katotohanan. Ang lumalayo sa Diyos ay lapitan ng dimonyo na alagad ng kasinungalingan. Walang ibang misyon si Satanas kundi ang iligaw tayo. Wala siyang ibang hangad kundi ang tisurin tayo. Magkukunwaring kaibigan, akala mo tumototoo, peke pala. Manggagantso si Satanas kaya mag-iingat tayo sa mga kampon niya sa ating lipunan. Para siyang online seller na nag-aalok ng produkto, tapos pag binayaran mo na, di na sumasagot.

Ang tunay na kaibigan ay KATOTO, tulad ni Juan. Isa siyang patotoo. Pinakikinggan mo dahil buhay niya ang ebidensya sa sinasabi niya. Kung minsan, kapag hindi natin alam, di ba magtatanong tayo sa mga taong mas nakakaalam? Mga taong alam mong nagmamalasakit, kapani-paniwala, at hindi magliligaw sa atin. Mga kapatid na mas nakakaalam at malawak ang karanasan, huwag naman ninyong ipagkait sa kapwa ang pagganap sa papel ni Juan Bautista: katoto at patotoo na umaakay sa katotohanan.

Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio Davaid ng Kalookan para sa unang araw ng Simbang Gabi,
16 Disyembre 2021, Juan 5:33-36

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Leave a Reply

Make a difference!

We work tirelessly each day to support the mission of the Church by giving voice to the voiceless.
Your donation will add volume to our effort.
Monthly pledge

Latest