Idineklara ng Diocese of San Pablo sa Laguna ang buwan ng Hunyo bilang “Jubilee Month for Religious Men and Women” sa diyosesis.
“Tunay na napakalaki at hindi maipagkakaila ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga relihiyoso at relihiyosa para sa pagpapalago at sa buhay ng ating Diyosesis,” ayon kay Father Ric Basquiñez, episcopal vicar for the religious ng Diocese of San Pablo.
Ayon sa pari, ang deklarasyon ng Hubilehiyo ay bahagi ng lokal na pagdiriwang ng diyosesis ng ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas.
Isa umano itong paraan ng pasasalamat at pagbibigay ng naaangkop na pagkilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga religiyoso at relihiyosa sa pagpapalago ng pananampalataya.
Kabilang sa mga nakahanay na gawain ay ang nakatakdang “online symposium” na dadaluhan ng mga relihiyo at relihiyosa sa Hunyo 12.
Ayon kay Father Basquiñez tatalakayin sa symposium ang naging kontribusyon ng iba’t ibang mga kongregasyon “sa nakaraan, kasalukuyan, at ang mga hamon sa pagmimisyon sa hinaharap.”
Tampok sa nasabing gawain ang mga relihiyoso at relihiyosa na naging bahagi ng diyosesis noon na ngayon ay kabilang sa mga inilalakad na mapasama sa hanay ng mga Banal.