Pinangunahan ni Archbishop Martin Jumoad ng Ozamiz ang paggunita sa malagim na pagpaslang ng 58 na indibidwal, kasama na ang 32 na mamamahayag, noong Nobyembre 23, 2009, sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao.
“We remember yung mga taong namatay, partikular yung mga journalist,” ayon sa obispo. “Sana po tayo po ay always conscious that life is precious and we should uphold and respect life,” aniya.
Sa panayam sa Veritas 846, nanawagan si Archbishop Jumoad sa mga alagad ng batas na pagsumikapang mahuli ang iba pang mga suspek sa masaker upang ganap na mabigyang katarungan ang mga biktima at kanilang mga pamilya.
Ayon sa pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines, bagaman may 43 katao na nahatulang suspek sa pagpaslang, mayroon pa ring 76 na nananatiling malaya, kaya tila malayo pang makamit ang hustisya para sa mga biktima.
Sa naging pahayag naman ni presidential spokesperson Harry Roque, dating legal counsel ng mga pamilya ng mga biktima sa masaker, nakamit na ang hustisya sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte dahil nakulong na ang pamilyang Ampatuan na siyang itinurong utak ng pamamaslang.
“This is still justice for the victims and the families of those who died. People who planned the Maguindanao massacre have been found guilty,” ayon kay Roque.
Bagaman pinuri ni Archbishop Jumoad ang hatol na guilty sa mga suspek sa krimen, umapela ang obispo sa iba pang mga sangkot sa naturang krimen na “sana po sumuko sila kasi hindi makatarungan yun.”
“Para bigyang katarungan yung mga namatay, sana po ang ating mga pulis, sana po they will always be conscious that we have to really look for the culprits,” ayon kay Bishop Jumoad.
Matatandaang noong Disyembre 19, 2019, nahatulan ng “reclusion perpetua” sa sala ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Branch 221 ang mga principal accused na sina Datu Unsay Andal Ampatuan Jr., Datu Zaldy Ampatuan, Datu Anwar Ampatuan, at iba pang akusado.
Sa nasabing kaso, 28 ang nahatulan ng “reclusion perpetua without parole” habang 15 naman ang nahatulan bilang “accessories to the crime” at nahatulan ng anim hanggang 10 taong pagkakakulong habang may 56 na napalaya dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya kabilang si Sajid Islam Ampatuan.
Naisantabi naman ng hukuman ang kaso ng pito na iba pang akusado na una ng yumao, kabilang na ang itinuturong utak sa nasabing masaker na ama ng mga Ampatuan na si Datu Andal Ampatuan Sr. na pumanaw sa kulungan noong 2015 dahil sa liver cancer.
Samantala, nag-alay naman ng bulaklak, kandila, at panalangin ang mga kasapi ng National Press Club of the Philippines sa harap ng Ampatuan marker na nasa loob ng NPC compound sa Intramuros, Maynila, noong Lunes bilang paggunita sa malagim na masaker.
Ayon kay NPC president Paul Gutierrez, “makalipas ang 11 taon, patuloy na dalangin ng NPC na sanay’ makamit na ang hustisya.”