Nagbabala si Bishop Abel Apigo ng Mati kaugnay sa mga “fake” o “poser accounts” sa social media, lalo na sa Facebook, na ginagamit ang kanyang pangalan, katauhan, at maging larawan.
Sa opisyal na Facebook page ni Bishop Apigo, ibinahagi at inabisuhan ng obispo ang kanyang mga kaibigan at kakilala sa social media na mag-ingat mula sa “poser accounts” at huwag basta magtiwala o makipag-ugnayan lalo na kung may kaugnayan sa pera.
Giit ni Bishop Apigo na maaring mga kawatan ang mga ito na naglalayong samantalahin ang mga mag-aakalang totoo ang kanyang pagkakakilanlan.
Nauna na ring nagbabala ang iba pang diyosesis at opisyal ng Simbahan kaugnay sa iba’t ibang paraan ng “scam” o panloloko na ginagamit ang pangalan ng mga obispo, maging ang mga programa at adbokasiya ng Simbahan upang magsamantala sa mga mananampalataya.
Sa tala, ang Diocese ng Mati ay mayroong 20 na parokya kung saan nasa 530,000 ang mga mananampalatayang Katoliko na pawang tinatawagan upang manindigan sa katotohanan at maging katuwang sa misyon ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Mula sa ulat ng Veritas 846