Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Caritas Manila sa mga non-government organizations at mga negosyante upang tugunan ang tumataas na bilang ng mga nagugutom sanhi ng pandemya sa bansa.
“Dapat bigyan ng suporta ang mga mahihirap sapagkat sila ang direktang naapektuhan ng quarantine,” pahayag ni Father Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila.
Aniya, bukod sa pagtaas ng “hunger rate” ay ang pagtaas din ng bilang ng malnutrisyon lalo sa mga kabataan.
“We have to level up our nutrition program. We are trying to revise our food banking program para ma-address itong hunger,” ayon kay Father Pascual.
Base sa pag-aaral ng Social Weather Stations, may 5.2 milyong pamilya ang nakararanas ng gutom simula pa noong Abril.
“Tumaas ang hunger rate, at ang kapatid niyan ay malnutrition sa mga kabataan ng five million families according to the latest SWS survey,” ayon kay Father Pascual.
“Kaya nakipag meeting ako sa business sector [on] how we can support the government dito sa matinding economic crisis na kaakibat ng health crisis,” dagdag ng pari.
Ayon kay Father Pascual patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Simbahan sa iba’t ibang sektor upang magkatuwang na bigyang tugon ang lumalalang sitwasyon sa Pilipinas.
Ilan sa mga programang isinagawa ng Simbahan ang Hapagasa feeding program at ang inilunsad na urban gardening o Gen129 na humihikayat sa bawat pamilya at pamayanan na magtanim ng mga gulay at prutas sa bakuran.
Umaabot na sa 9.4 milyong indibidwal o 1.8 milyong pamilya ang nabigyang ng tulong ng Caritas Manila simula noong ipatupad sa bansa ang iba’t ibang community quarantine.
Ayon sa ulat ng social arm ng Archdiocese of Manila, higit sa Php1.6 bilyon na ang nakalap na donasyon ng Caritas Manila simula noong Marso nang ilunsad ang “Ligtas Covid-19 Campaign.”
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring tumatanggap ng donasyon ang Caritas Manila at patuloy ang pagbibigay ng ayuda sa mamamayan na higit na naapektuhan ng pandemya.
Kasama sa mga tinutulungan ng Caritas Manila ang mga pamayanan sa Metro Manila at 34 na diyosesis sa buong bansa.
Bukod pa ito sa may limang libong college scholars ng Caritas Youth Servant Leadership and Education Program kung saan kabilang sa mga benepisyaryo ang mga anak ng jeepney drivers.
Mula sa ulat ng Veritas 846