Hindi mababago ang madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas mula sa kamay ng dating pangulong Ferdinand Marcos at ng martial law sa pamamagitan ng pagbibigay pagkilala sa dating diktador.
Ito ang pahayag ni Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ng Novaliches kaugnay sa pagpasa sa House of Representatives ng panukalang nagdedeklara ng ika-11 Setyembre bilang “special non-working holiday” sa lalawigan ng Ilocos Norte bilang pagkilala kay Marcos.
Ayon sa obispo, hindi mababago ng papuri at pagkilala ang katotohanan ng pagiging diktador at mapang-abuso sa kapangyarihan ni Marcos.
Paliwanag pa ni Bishop Bacani, hindi rin nito mababago o maibabalik ang mga nakaw na yaman at ang buhay ng mga nasawi sa ilalim ng Batas Militar.
“They may honor Marcos but that does not change the fact that he was a big thief and oppressor. May God have mercy on him,” ayon sa obispo.
Itinuturing na isang madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang 14-na taong martial law na ipinatupad ni Marcos noong taong 1972 kung saan naitala ang mga paglabag sa karapatang pantao bukod sa malaking halaga na nawala sa kaban ng bayan.
Nagtapos ang rehimeng Marcos sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution taong 1986 na nakilala sa iba’t ibang bansa bilang “bloodless revolution.”
Sa ilalim ng martial law, tinatayang aabot sa higit 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pag-sang-ayon sa patakaran ng Administrasyong Marcos.
Mula sa ulat ng Veritas 846