Home Commentary Pahayag ni Cardinal Advincula sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law

    Pahayag ni Cardinal Advincula sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law

    Huwag nawa nating kalimutan ang mga aral mula sa panahon ng Martial Law.

    Limampung taon na ang nakakaraan nang ideklara ang Martial Law sa ating bansa. Hindi maitatanggi na naging hudyat ito ng maunos na yugto sa ating kasaysayan bilang isang bayan. Sa gitna ng dilim, may liwanag tayong natanaw. Sa harap ng mga hindi magagandang nangyari, may mga aral tayong natutunan.

    Natutunan nating pahalagahan ang buhay ng tao, itaguyod ang dignidad ng bawat isa, at igalang ang karapatang-pantao.

    Natutunan natin na ang tunay na pag-unlad ay nakasalalay sa katarungan at kapayapaan.

    Natutunan nating ipaglaban ang katotohanan.

    Natutunan natin ang halaga ng demokrasya at ang kapangyarihan ng taumbayan.

    Natutunan nating manampalataya at manalig sa Diyos na nagliligtas at nagpapalaya sa mga sinisiil.

    Ngunit ang mga mahahalagang aral na ito ay hindi natin matututunan kung pilit nating itatanggi o kakalimutan ang dilim ng kasasayan.

    Huwag nawa nating kalimutan ang mga aral mula sa panahon ng Martial Law.

    Nakita na natin ang liwanag. Huwag na tayong bumalik sa dilim.

    Ika-21 ng Setyembre, 2022

    Exit mobile version