Home Commentary Batong bumubukol

    Batong bumubukol

    Ang tunay na hamon ay ang magmahal pa rin kahit pag ang minamahal ay pasaway, walang utang na loob o naliligaw ng landas

    Naranasan na ba ninyo ang makinig sa ebanghelyo o sa homily ng pari at pakiramdam mo parang tinamaan ka ng Salita ng Diyos? Di ba may kasabihan tayo sa Tagalog, “Bato bato sa langit, ang tamaa’y huwag magagalit”?

    Minsan sa isang recollection, binago nang kaunti ni Bishop Ted Bacani ang kasabihang ito: “Bato bato sa langit, ang tamaa’y mabukulan sana.” Panalangin daw iyon ng mga paring may pinatatamaan sa homiliya pero madalas hindi naman umeepekto. Hindi bumubukol.

    Kung minsan daw, lalapit pa nga iyung taong pinatatamaan at sasabihin sa pari, “Father, ang galing ng homily ninyo. Ang daming tinamaan!” Hindi niya alam, siya pala ang pinatatamaan. Failure talaga si Father.



    Tatlong parables ang narinig natin sa ebanghelyo. Pero sa introduction, sa first two verses, doon mo malalaman na may pinatatamaan pala si Hesus sa tatlong kuwento niya: ang mga eskriba at pariseo. Kasi, nagbububulung-bulungan daw sila dahil nakikisalo si Hesus sa mga tinuturing nilang makasalanan sa lipunan. Kaya ikinuwento niya ang tatlong talinghaga.

    Sa tatlong kuwento, may ibinibigay na mathematical problem si Hesus. Isang pastol, meron daw siyang 100 na tupa, nawala ang isa, ilan ang iuuwi niya? E di 99. Ganyan din sa pangalawang kuwento: isang babae, meron daw siyang 10 salaping pilak, nawala ang isa, ilan pa ang natira? E di 9. At sa pangatlong kuwento, may isang ama, may 2 anak siyang lalaki, naligaw ng landas ang 1. Ilan ang natira? E di 1. Ganyan ang mathematics ng tao. Pero iba ang mathematics ng Diyos; ito ang punto ni Hesus.

    Sa unang kuwento, importanteng tandaan na ang mga pastol noong mga panahong iyon ay tagapangalaga lamang ng kawan. Hindi sila ang nagmamay-ari sa mga tupa. Kapag pinagkatiwalaan ang isang pastol ng 100 na tupa, hindi siya pwedeng bumalik na 99 lang ang kasama. Kailangan niyang hanapin ang nawawala dahil pananagutan niya ito. Kapag hindi 100 ang iuuwi niya, mawawalan siya ng trabaho. 100 minus 1 equals 0. Hindi basta tatanggapin ng may-ari ang pagkawala ng kahit na isa.

    Sa ikalawang kuwento, ang sampung salaping pilak ay nakakabit sa belo ng ikakasal, parang dekorasyon sa palibot ng mukha niya. Pamana ito ng mga naunang henerasyon ng mga babae sa pamilya niya. Kapag nawala ang isang salaping pilak, bungi na ang belo, hindi na ito pwedeng ipamana. Wala nang kuwenta. Ni hindi pwedeng palitan ng bago ang nawawala. 10 minus 1 equals 0.

    At sa ikatlong kuwento, ang dalawang anak na lalaki ay parehong mahal ng ama. Hindi lubos ang kaligayahan niya bilang ama, hangga’t hindi bumabalik ang anak niyang naliligaw ng landas, at hindi pa siya napapatawad o natatanggap na muli ng kanyang kapatid.

    Noong bata pa ako sa pagkapari, napahiya ako nang lumapit at humingi ng payo ang isang inang hindi mapayapa ang loob dahil sa isa sa apat na anak niya ay naging drug addict. Sinabi ko sa kanya na parang pakunswelo, “At least may tatlo pa kayong mga anak na mababait at responsable.” Sabi ba naman niya sa akin, “Salamat na lang ho. Siguro kaya ganyan kayong magsalita ay dahil wala naman kayong sariling anak. Hindi ninyo alam ang damdamin ng isang magulang.”

    Bakit angkop ang mga kuwentong ito sa pyestang Santa Cruz? Dahil ang krus ay tungkol sa mathematics ng Diyos. Hindi niya basta iiwan, o pababayaan o tatanggapin ang pagkawala ng kahit na isa sa mga anak niya. Ewan ko ba kung saan nanggaling ang sobrang pagkatakot natin sa parusa Diyos. Na para bang napakasigasig niya na itapon tayo sa impyerno kapag tayo’y nagkasala o naligaw ng landas.

    Ang krus ay tungkol sa Diyos na handang magdusa at mamatay, handang bumaba ng impyerno para atin. Sabi nga niya sa John 14, “Sa bahay ng aking ama ay maraming silid. Maluwag, may lugar para sa lahat.” Hindi totoo na iilan lang ang mga papapasukin niya. Hindi totoo na ang pag-ibig niya ay para lamang sa mga banal, mabait, at karapat-dapat.

    Madali naman talaga ang magmahal ng mga mababait at karapat-dapat. Ang tunay na hamon ay ang magmahal pa rin kahit pag ang minamahal ay pasaway, walang utang na loob o naliligaw ng landas. Dahil siya ay Diyos na lubos kung magmahal, gagawin niya ang lahat ng kailangang gawin upang mailigtas niya ang lahat ng minamahal niya, kahit ipagdusa pa niya. Maraming beses ko nang nasabi sa inyo, ang sinisimbolo ng krus para sa atin ay hindi kamatayan kundi buhay, hindi kasalanan kundi patawad, hindi pagkamuhi kundi pagibig na walang kundisyon, hindi pagdurusa kundi pag-aalay ng buhay bilang pantubos sa minamahal.

    Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa Ika-24 Linggo ng Karaniwang Panahon, 11 Setyembre 2022, Luk 15:1-32

    Exit mobile version