Home Diocesan Reports Pulis, blangko pa rin sa kidnapping case ng pari sa Cavite

Pulis, blangko pa rin sa kidnapping case ng pari sa Cavite

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng mga pulis sa mga lugar na dinaanan ng pari upang makapangalap ng mga ebidensiya

Hindi pa rin nabibigyang linaw ang motibo sa pagkawala ni Father Leoben Peregrino na natagpuang buhay matapos ang dalawang araw sa Silang, Cavite.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ruther Saquilayan, hepe ng pulis sa Rosario, Cavite, kanila pang tinitingnan ang motibo sa pagdukot sa pari.

Iginiit naman ni Saquilayan na tanging ang pari lamang ang makakapaglahad ng mga tunay na nangyari ngunit hindi pa rin ito makausap dahil sa tinamong trauma.



“‘Yun po ang initial [investigation] namin na ginagawa kung meron man na abduction na nangyari kay Father [Peregrino],” ayon sa pulis.

“Bale sa ngayon po talaga ay wala pong makakapagbigay ng tunay na pangyayari kundi po si Father Leoben lang po,” ayon kay Saquilayan sa panayam sa Veritas 846.

Sa kasalukuyan ay hinihintay pa rin ng pulis ang rekomendasyon ng doktor ni Father Peregrino upang ito ay makausap at mahingan ng impormasyon hinggil sa pangyayari.

Si Father Peregrino o mas kilala bilang Father Phem, ang kasalukuyang rektor at kura paroko ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of The Most Holy Rosary – Reina de Caracol sa Rosario, Cavite na saklaw ng Diocese of Imus.

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng mga pulis sa mga lugar na dinaanan ng pari upang makapangalap ng mga ebidensiyang susuporta sa imbestigasyon.

“May mga kinakalap po kaming mga witness sa lugar ng pinangyarihan at patuloy po naming bina-backtrack po ‘yung mga CCTV cameras simula po dito sa Rosario Parish papunta po doon sa pinangyarihan kung saan po siya natagpuan,” pahayag ni Saguilayan.

Nawala si Father Peregrino noong April 1 at natagpuan makalipas ang dalawang araw sa loob ng sasakyan na walang malay at nakagapos ang mga kamay at leeg sa Barangay Lumil, Silang, Cavite.

Kasalukuyan nang ligtas at nagpapahinga si Father. Peregrino sa isang ospital sa Dasmariñas, Cavite.

Exit mobile version