Home Diocesan Reports Obispo ng Cubao, nananawagan para sa isang makabuluhan na Kuwaresma

Obispo ng Cubao, nananawagan para sa isang makabuluhan na Kuwaresma

Ayon sa obispo, ang Kuwaresma ay naaangkop na panahon bilang pagpapaalala na ang tao ay makasalanan at hinihikayat ang bawat isa na taimtim na magnilay at manalangin

Hinimok ni Bishop Honesto Ongtioco ng Cubao ang mga mananampalataya na gawing makabuluhan ang Kuwaresma upang lumago sa pananampalataya.

Ito ang mensahe ng obispo sa Miyerkules ng Abo bilang pagsisimula ng 40-araw na paghahanda sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoon.

Ayon kay Bishop Ongtioco, ang Kuwaresma ay naaangkop na panahon bilang pagpapaalala na ang tao ay makasalanan at hinihikayat ang bawat isa na taimtim na magnilay at manalangin upang pagsisihan ang mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos.




Bukod dito, hinihikayat din ang mga mananampalataya na mag-ayuno o bawasan ang pagkain ng marami bilang pagsasakripisyo, gayundin na ang matitipid ngayong Kuwaresma ay gamitin sa pagkakawanggawa para sa mga higit na nangangailangan.

“Gamitin po natin ang panahon ng Kuwaresma upang lumago tayo sa pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno at kawanggawa,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Radio Veritas.

Ipinaliwanag ni Bishop Ongtioco na sa pagsisisi ng tao sa kanyang mga nagawang kasalanan, tinatalikuran nito ang kasamaan at tinatahak ang tuwid na pamumuhay bilang mabuting tagasunod ng Panginoong Hesukristo.

“Tayo ay laging inaanyayahan ng Panginoon na magbalik loob sa kanya. Kanyang tuwa na lagi tayong kapiling sa matuwid na pamumuhay at naglalakad sa gabay ng Espiritu Santo,” ayon sa obispo.

Inaasahan naman ng Simbahan na sa paggunita ng Mahal na Araw ay magbabalik na rin ang mga nakagawian tulad ng prusisyon at ang tradisyunal na “Pabasa ng Pasyon” ngayong pinahintulutan na sa mga lugar na sakop ng COVID-19 alert level 1 status ang 100-porsyentong kapasidad sa religious gatherings.

Paalala naman ni Bishop Ongtioco sa mga mananampalataya ang ibayong pag-iingat at patuloy na pagsunod sa minimum public health standards upang mapanatili ang kaligtasan laban sa virus.

“Kahit na nasa alert level 1 na tayo, mag-ingat pa rin ang lahat at sumunod sa mga protocol para sa ating kalusugan and protection ng bawat isa,” paalala ni Bishop Ongtioco.

Exit mobile version