HomeFeatures'Dialogo' at ang kakaibang Filipina sa sining ni Celeste Lecaroz

‘Dialogo’ at ang kakaibang Filipina sa sining ni Celeste Lecaroz

Hindi lamang ganda ang kayang ibigay sa atin ng “Dialogo” kundi pasisisirin ka nito sa mas malalim na kahulugan ng damdamin

Mas gusto kong makita ang isang obra na tumatayong mag-isa. Iyon bang may sariling buhay na hiwalay sa kanyang tagapaglikha. Pero sa totoo lang, mahirap ding ihiwalay ang artist o awtor sa kanyang artwork o akda.

Sa unang tingin ko sa mga likha ng artist na si Celeste Lecaroz, hindi ko maiwasan ang humanga. May kung anong panggayuma sa paningin ang kanyang strokes at kulay. May isang bahagi ng kanyang mga obra na tila ba hinahalina ka para tunghayan na lamang iyon.

Pero kasabay ng pagkahumaling ko sa mga atwork ni Lecaroz ay ang pag-ukilkil ng mga katanungan: kung nakabase kaya ang mga artwork na ito sa kanyang sarili? Sa kaniyang pagkatao? Sa kung paano siya namuhay o namumuhay?




Pagiging babae. Iyan ang tema ng kanyang koleksiyong “Dialogo”. Ginamit niya ang mga simpleng bagay para bigyang hininga ang kanyang mga nilikha. Alaala. Handog. Laro. Salamisim. Kaarawan. Marikit. Dialogo. Simpleng paglalarawan pero may malawak na mundong pinababagtas.

At dahil babae ang tagapaglikha, hindi maiiwasang ikumpara natin ang kanyang obra sa kanyang pagkatao. Higit sa lahat, sa kanyang pagiging babae at kung paano siya, bilang babae, mag-isip o kumilos.

Oo, bawat obra o artwork, nagmumula iyan sa ating mga tagapaglikha. Pero hindi rin nangangahulugang nakabase iyan sa kanilang buhay. Oo, may kurot o bahagi ng pagkatao ng pintor ang kanyang mga obra. Pero sa dulo, tumatayo ang artwork ng sarili niya. Ginamit lang na instrumento ang artist upang makapagpanday ng isang obra na magiging kapaki-pakinabang sa nakararami.

Puso ang lagi’t lagi kong hinahanap sa bawat obra. Lagi’t lagi kong inaarok ang damdaming nakakubli roon. Mas may dating kasi sa akin ang isang obra o artwork kung may kalakip itong emosyon.

- Newsletter -

At iyan ang dahilan kung bakit nabihag kaagad ang atensiyon ko ng mga guhit ni Lecaroz. Puno ng ningning ang mga ngiti, may kinang ang mga mata at may aliwalas ang buka ng mukha. Masisilayan mo rin ang kumpiyansa sa sarili na ibang-iba sa kababaihan noong unang panahon. Nariyan din ang tapang. pagiging mapangahas. Bawat painting ay may kuwentong ipinahihiwatig. May kislot ng katotohanan. Bahagya ko ngang  nasilip ang sarili sa kaniyang mga likhang sining.

‘Alaala’ ni Celeste Lecaroz (Larawan kuha ni Che Sarigumba)

Kapag tiningnan mo nga naman ang bawat kuwadro, aagawin kaagad ang atensiyon mo ng bawat karakter. Awtomatikong sa mukha dederetso ang paningin mo. Malinaw ang pagpapahiwatig ng niloloob. May ideya ka kaagad kung anong kuwento ang nakapaloob sa kaniyang obra. May kuwentong naglalaro sa isip mo. Maganda. Malawak. Makulay. Malaya. Kay sarap, hindi lamang sa mata kundi maging sa pakiramdam.

Ang “Dialogo” ay tungkol sa mga kababaihan noong unang panahon. Mapapansin mo iyan sa postura ng mga karakter. Ngunit ipinakikita rin dito ang ugali ng mga kababaihan noong panahon iyon. Ang pagiging kimi pero may pagkamapangahas. May talas ng tingin. May pagka-politikal batay sa kung paano umakto ang mga karakter.

Hindi lamang ganda ang kayang ibigay sa atin ng “Dialogo” kundi pasisisirin ka nito sa mas malalim na kahulugan ng damdamin ng bawat kababaihan: na ang isang babae ay kayang itayo ang sarili sa ano pa mang panahon o pagkakataon.

Kahanga-hanggang sa maikling panahon, napagtagumpayan ni Lecaroz na dalhin tayo sa loob ng nakakuwadro ngunit malawak na damdaming tinatahak ng kanyang mga obra. Mga obrang sa pagtitig mo, isa-isa kang papapasukin sa katangi-tanging mundo sa loob nito. Sa pagtingin pa lang sa obra ay idedetalye na sa iyo ang posibilidad ng buhay, lalo na ang angking tiwala at tapang ng mga kababaihan sa kabila ng hindi patas na pagtingin ng lipunan.

Walang edad ang sining. Iyan ang natutunan ko nang makilala ko si Celeste Lecaroz. Oo, nagsimula siyang magpinta taong 2016 sa edad na 45. Pero sa maikling panahon iyon, naging matagumpay siya sa larang na kanyang pinili.

‘Dialogo’ ni Celeste Lecaroz (Larawan kuha ni Che Sarigumba)

Sa “Dialogo” hindi natakot si Lecaroz na tumaliwas sa nakasanayang daan. Mas naging mapangahas din siya sa koleksiyong ito. Kung sa mga naunang artwork, ang target niya ay maipakita ang detalye sa kanyang obra, ngayon ay mas nanaig at pinagtuunan niya ng pansin ang emosyon. Ang mukha bilang salamin ng emosyon. At masasabi kong ang pagtatangkang iyan ay napagtagumpayan ng pintor.

Naniniwala akong lahat ng bagay—pelikula, drama series, maikling kuwento, tula, nobela at paintings—may ipinamumulat sa atin. Basta’t aninagin lang natin ito ng mas malalim. Tingnan ng mas malawak.  At ang “Dialogo” ay hindi lamang simpleng pagpapahiwatig ng ating nakaraan.

Sumasalamin ito sa buhay sa kasalukuyan, sa hinaharap, at higit sa lahat, sa tapang at kumpiyansa ng bawat Filipina.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest