Home Diocesan Reports Gamitin ang online platforms sa paggunita ng Undas

Gamitin ang online platforms sa paggunita ng Undas

Pinaalalahanan ni Bishop Broderick Pabillo ang mga mananampalataya na ngayon pa lamang ay dumalaw na sa mga puntod ng kanilang mga namayapa

Dahil sa patuloy na banta ng new coronavirus at mga limitasyon dulot ng mga umiiral na community quarantine, hinikayat ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, ang mga mananampalataya na gamitin ang makabagong teknolohiya para sa darating na Undas.

Ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng family reunions at prayer meetings online.

“Ang Undas para sa ating panahon ng family reunion, nagsasama-sama ang mga family. Ba’t hindi tayo mag-zoom meeting as family, and prayer meetings,” ayon kay Bishop Pabillo.




Ito ang mungkahi ng obispo lalo na tradisyon ng mga Filipino ang pagtitipon ng pamilya tuwing Undas

Pinaalalahanan din ni Bishop Pabillo ang mga mananampalataya na ngayon pa lamang ay dumalaw na sa mga puntod ng kanilang mga namayapa.

Tagubilin ng obispo ang ibayong pag-iingat sa pamamagitan ng pagsusuot ng facemask, faceshield, at pag-distansya sa maraming mga tao upang makaiwas mula sa nakakahawang sakit.

Hiling din ni Bishop Pabillo sa publiko na hindi lamang basta dumalaw sa mga puntod kundi magdasal para sa mga kaluluwa.

Dagdag pa ng obispo ang pagsisimba at ang pag-aalay ng Misa sa mga namayapa gayundin ang pananalangin kasama ang pamilya ay maaring isagawa sa kanilang mga tahanan.

Mula sa ulat ng Veritas 846

Exit mobile version